FIRST DIVISION
[G.R. No. 125925. January 28, 1999]
PEOPLE OF THE PHILIPPINES, appellee vs. VENTURA VINUYA Y DELA CRUZ, appellant.
K A P A S Y A H A N
MARTINEZ,
J.:
Si Ventura Vinuya na
umabot lamang sa ikalimang baitang ng mababang paaralan[1] ay inihabla ng salang panggagahasa na
naganap noong ika-24 ng Abril, 1995 sa 10-taong gulang na batang si Bonavi
Reyes.[2] Nang si Ventura ay iniharap sa Mababang
Hukuman para litisin ay itinanggi niya ang bintang na panggagahasa, kayat ang
habla laban sa kanya ay sinimulang dinggin.[3]
Sa pag-litis ng usapin ay
inihayag ng Taga-usig (Prosecution) ang mga patunay nito laban kay Ventura.
Habang patuloy ang pag-dinig ng usapin, si Ventura, kasama ang dalawang
manananggol na itinalaga ng Mababang Hukuman para sa kanya, ay nagpahiwatig na
nais niyang palitan ang kanyang tugong pagtanggi ng tugong pag-amin sa salang
isinampa.[4] Bagamat hindi pa tapos ang mga Taga-usig na
maghayag ng kanilang mga patunay, ay wala silang pagtutol sa pag-amin ni
Ventura sa bintang na pang-gagahasa. Subalit, dulot marahil nang kabigatan ng
salang isinampa ay inatasan ng Mababang Hukuman at binigyan nang sapat na
pagkakataon ang mga tagapagtanggol ni Ventura na masinsinang ipaliwanag sa huli
ang maaring kalalabasan nang kanyang pag-amin sa sala at para mapag-munimunihan
din niya ang kanyang gagawin.[5]
Nang sumunod na mga araw
ng pagdinig ay inihayag ng mga manananggol ni Ventura na sa kabila ng kanilang
pagpaliwanag sa kanya kung ano ang maaring mangyari, ay handa pa rin siyang
(Ventura) panindigan na aminin ang nasabing bintang. Kaya nang muling tanungin
ng Hukuman, inamin ni Ventura ang paratang sa kanya. Para makatiyak kung bukal
sa kalooban ni Ventura ang kanyang pag-amin at ayon na rin sa itinatadhana ng
mga Alituntunin ng Hukuman ay ipinasailalim siya sa pagtatanong. Nabatid ng
Hukuman mula sa patatanong nito sa 21-taong gulang na si Ventura na siya ay may
sapat na pangangatawan at kaisipan, na nauunawaan niya ang kanyang pag-amin sa
sala, na sa pamamagitan ng pag-amin niya ay hindi na kailangan pang magpakita
ng anumang patunay ang Taga-usig o nagsasakdal, at maari na siyang agad patawan
nang kauukulang parusa sa salang pang-gagahasa nang nasabing bata.[6]
Dahil dito ay nagpalabas
ang Mababang Hukuman ng Kapasyahan na si Ventura ay nagkasala ng pang-gagahasa
sa nabanggit na bata, hinatulang magdusa ng kaparusahang reclusion perpetua
at magbayad ng halagang tatlumpong libong piso (P30,000.00) sa bata.[7] Mula sa naturang kapasyahan ay isinampa ni
Ventura ang paghahabol sa Kataas-taasang Hukuman, kung kaya ipinag-utos ng
Mababang Hukuman na isalin ang mga papeles ng usapin, kaya nga lamang ay sa
Hukuman ng Paghahabol (Court of Appeals).[8]
Sa Hukumang ito ay humiling ang manananggol
ni Ventura na muling ibalik sa Mababang Hukuman ang usapin sa kadahilang
hiniling nila sa huling Hukumang nabanggit na (a) payagan si Ventura na
palitang muli ang kanyang tugon na pag-amin sa pang-gagahasa; (b)
ipawalang-bisa ang kapasyahan ng Mababang Hukuman; at (k) muling itakda ang pre-trial
at plea bargaining.[9]
Ayon sa mga Alituntunin
ng Hukuman, ang sinumang nasasakdal sa pag-kakasalang may taglay na parusang
kamatayan, at umaming nagawa niya yaong pagkakasala ay hindi maaaring hatulan
kaagad.[10] Itinatadhana rin ng mga Alituntunin na dapat utusan
ng Hukuman ang Taga-usig o nag-sasakdal na patunayan ng walang anumang pasubali
na nagawa nga nang nasasakdal ang kasalanang iniharap laban sa kanya.[11] Hindi sapat na sabihin lamang ng Hukuman na ang
nasasakdal ay kusang-loob na umaamin sa bintang sa kanya. Kinakailangang sa mga
pag-tatanong ng Mababang Hukuman ay mabatid nito ang saloobin ng nasasakdal
ukol sa kanyang pag-amin. Ito ay kailangan upang mag-karoon ang mas mataas na
Hukuman nang sapat na gabay para malaman kung totoong tunay na naunawaan at
naintindihan ng nasasakdal ang kahulugan, kahalagahan at kahihinatnan ng
kanyang pag-amin.[12]
Subalit ang mga nabanggit
ng mga pamamaraan ay ginagawa lamang kung ang pagkakasaad ng sala sa
“information” o “complaint” ay maaring ituring na “capital offense” o
kasalanang may taglay na parusang kamatayan.[13] Batay sa pagkakalahad ng kasalanan sa
usaping isinampa laban kay Ventura ay hindi ito maituturing na “capital
offense” bagkos ay “non-capital offense” lamang. Dahil sa ang isinampa ay
"non-capital offense", ang pag-bawi ng isang nasasakdal sa kanyang
tugon na pag-amin, matapos maglabas ng kapasyahan ang Hukuman, ay pinapayagan
nang mga Alituntunin ng Hukuman. Kung
kaya ang pamamaraang dapat sundin ay ang itinatadhana ng Baitang 4 ng Alituntunin
Bilang 116[14] na nagsasaad na sakaling ang isang
nasasakdal na tumugon ng pag-amin sa salang isinampa, ay nagpapahintulot sa
Hukuman na tumanggap ng mga patunay -- hindi para patunayan pa na nagawa nga
niya ang naturang sala sapagkat inamin na niya ito -- kundi para alamin kung
ano ang kaukulang parusa na dapat ipataw sa kanya ayon sa mga kaganapan at
patunay sa usapin. Pero ang naising tumanggap ng mga patunay ay nakasalalay sa
maingat at wastong pagpapasya ng Hukuman. Dagdag pa dito, sinasaad din sa mga
Alituntunin na sa anumang panahon bago maging “final” ang kapasyahan ng
Hukuman, ay maaring pahintulutan o payagan ang nasasakdal na bawiin ang kanyang
tugon na pag-amin sa bintang at palitan ng hindi pag-amin. Muli, kung papayagan
ang nasasakdal na bawiin ang kanyang tugon ay nakasalalay sa matalinong
kagustuhan ng Hukuman.[15] At ang kapasyahan ukol sa pagbawi ng tugon
ay hindi karaniwang binabago ng mas mataas na Hukuman kapag walang naipakitang
masidhing pagkakamali o abuso ang Mababang Hukuman. Sa usaping ito ay walang
naturang pagkakamali o abuso na nagawa ang Mababang Hukuman, kung kaya dapat
sangayunan ang kapasyahan nitong hindi payagan si Ventura na bawiin at muling
palitan ang kanyang tugon.
Ganoon pa man, sa
kabila ng mga nabanggit, ay mayroong mga pag-kakataon kung saan ang mahigpit na
pagpapatupad ng mga Alituntunin ng Hukuman ay dapat paluwagin hindi lamang para
sa mabilis, kung hindi higit sa lahat para sa makatarungang pag-pasya sa
usapin.[16] Ang usaping ito,
ay humikayat para muling paluwagin ang pamamaraang itinadhana ng Kataas-taasang
Hukuman. Ang Saligang-Batas na umiiral sa lipunang ating ginagalawan ay
mahigpit na ipinag-babawal ang pagtatangi-tangi.[17] Kasing-higit sa
pagtatanggol ng puri at dangal ng isang 10-taong gulang na musmos na ni hindi
pa man lamang kumakatok sa pintuan ng pagiging dalagita ay ang buhay,
kinabukasan at pangalan ng isang napagbintangang nakagawa ng karumal-dumal na
pag-yurak sa dangal at kamusmusan ng mga walang-malay na bata, sapagkat siya ay
itinuturing na walang sala hanggat hindi napapatunayang nag-kasala.
Totoo ang minsang
nabanggit ng magiting na dating kasapi ng Hukumang ito na si Mahistrado Ricardo
J. Francisco na “ang pagwasak sa puri ng isang nagdadalaga na walang
kamalaymalay sa kamunduhan ay gawa ng isang halimaw na nararapat lamang na
patawan ng kaukulang kaparusahan ng mga hukuman ng ating lipunan.”[18] Subalit sa kabila nito, ay pumapaimbulog ang
paniniwalang nakalahad sa ating Saligang Batas na ituring na walang kasalanan
ang sinumang inihabla hanggat hindi napapatunayan na nagkasala ng walang
anumang pasubali ng ating mga hukuman.[19] Kasama ditong mananaig ay ang pag-lapat ng
katarungang dumaan sa kaukulang pamamaraang itinatadhana ng Saligang-Batas. Ang
mithiin na mga Alituntunin ay hindi ang pikit-matang ipatupad ito ng walang
pakundangan. Bagkos ang mga pamamaraang dapat sundin ay inilatag para maging
gabay sa pagsisiyasat tungo sa pag-alam ng mga tunay na pang-yayari na pilit
itinatago sa tabing ng kasinungalingan. Sa pagbibigay saysay sa katarungan ay
kinakailangang mabatid ang lantay at payak na katotohanan sa pamamagitan ng mga
patunay na nakuha lamang ayon sa pamamaraan na itinadhana at pinapayagan ng
batas.
Marapat sanang sinuri
nang Mababang Hukuman at tinanong ang mga tagapagtanggol ni Ventura - at hindi
lamang si Ventura - para tiyakin na malinaw na naipaliwanag sa nasasakdal ang
kahihinatnan ng kanyang pag-amin.[20] Datapuwat ang pamamaraang ito ay wala sa mga
Alituntunin, ang isang Hukom ay hindi dapat mag-pasya nang ayon lamang sa kung
ano ang sinasaad sa batas kundi kung ano ang nararapat. Ito ay hindi ginawa ng
Mababang Hukuman. Totoong kahindik-hindik ang salang pang-gagahasa lalo na
kapag bata ang biktima, subalit ang nasasakdal, maging sino man siya, ay may
mga karapatang pantao, tulad ng kaukulang pag-dinig, na dapat igalang ayon sa
itinatadhana ng Saligang-Batas.[21]
Kaya papapayagan na
ibalik ang usapin sa Mababang Hukuman, hindi para muling umpisahan ang usapin,
kundi ituloy na lamang ang natigil na paglalahad ng Taga-usig ng mga patunay
bago palitan ni Ventura ang kanyang tugon na aminin ang bintang. Ito’y batay na
rin sa karapatang mabilis na paglitis ng usapin na itinatadhana hindi lamang ng
Saligang-Batas[22] kundi ganoon din ng “Speedy Trial Act of
1998” sa ilalim ng Republic Act No. 8493 at Supreme Court Circular 38-98.”[23]
DAHIL SA MGA NABANGGIT, ay ipinag-uutos ng Hukuman na ibalik ang
usaping ito sa Mababang Hukuman para ipagpatuloy ang napigil na paglalahad ng
Taga-usig o nagsasakdal ang kanilang mga patunay at ituloy ang pagdinig sa
usapin ayon sa itinatadhana ng mga Alituntunin ng Hukuman.
IPINAG-UUTOS.
Davide, Jr., C.J.
(Chairman), Melo, Kapunan, and Pardo,
JJ., concur.
[1]
Appellant’s reply, p. 3; Rollo, p. 44.
[2]
The Criminal Complaint dated April 25, 1995 reads: “That on or about the 24th day of April, 1995, in the Municipality
of Cabiao, Province of Nueva Ecija, Philippines and within the jurisdiction of
the Honorable Court, the above-named accused with grave abuse of trust and
confidence, with lewd designs and by means of force, violence and intimidation,
did then and there, willfully, unlawfully and feloniously had carnal knowledge
of one BONAVI REYES, a 10 year old child of the undersigned complainant,
against her will and without her consent, to her damage and prejudice.” (Rollo,
p. 5).
[3]
Rollo, p. 8.
[4]
Decision dated December 26, 1995 of the Regional Trial Court (RTC), Gapan,
Nueva Ecija penned by Judge Arturo M. Bernardo, p. 1; Rollo, pp. 15,
147.
[5]
Rollo, pp. 15-16.
[6]
Rollo, p. 16.
[7] The
dispositive portion of the RTC Decision provides:
“Consequently, the accused is hereby sentenced.
“Thus, accused Ventura Vinuya y dela Cruz who, assisted by Attorneys Antonio Galang and Manuel Reyes, pleaded guilty to the offense of rape charged under the amended criminal complaint which reads:
“x x x x x x x x x.”
is sentenced to suffer the penalty of RECLUSION PERPETUA and condemned to indemnify the offended party Bonavi Reyes the sum of thirty thousand pesos (P30, 000.00) without any subsidiary imprisonment in case of insolvency.”
“SO ORDERED.” (p. 3; Rollo, p. 17).
[8] RTC Order dated February 8, 1996; Rollo, p.
18.
[9]
Very urgent Omnibus Motion dated January 22, 1996; Rollo, pp. 21-26; See
also Formal request for the remand of case-records of criminal case no. 3899
for rape, RTC, Branch 87, Gapan, Nueva Ecija; Rollo, p. 20.
[10]
People v. Estomaca, 256 SCRA 421.
[11]
Section 3, Rule 116, 1988 Revised Rules on Criminal Procedure provides: “Plea
of guilty to capital offense; reception of evidence. – When the accused
pleads guilty to a capital offense, the court shall conduct a searching
inquiry into the voluntariness and full comprehension of the consequences of
his plea and require the prosecution to prove his guilt and the
precise degree of culpability. The accused may also present evidence in his
behalf.” (Emphasis supplied).
[12]
People v. Lacson, 55 SCRA 589; People v. Pohang, 53 SCRA 288;
People v. Busa, 51 SCRA 317.
[13]
Rule 114, Section 6: Capital offense, defined. – A capital offense, as
the term is used in these Rules, is an offense which, under the law existing at
the time of its commission and at the time of the application to be admitted to
bail, may be punished with death.
[14]
Plea of guilty to non-capital offense; reception of evidence. – When the
accused pleads guilty to a non-capital offense, the court may receive evidence
from the parties to determine the penalty to be in imposed.
[15]
People v. Nazario, 79 Phil. 297; People v. Nueno, 70 Phil. 556;
US v. Grant, 18 Phil. 122; US v. Melo, 5 Phil. 412.
[16] Rule 1, Sec. 2: Construction. - These rules shall be liberally construed in
order to promote their object and to assist the parties in obtaining just,
speedy, and inexpensive determination of every action and proceeding. (1964
Revised Rules of Court, as amended).
Rule 1, Sec. 6: Construction. - These rules
shall be liberally construed in order to promote their objective of securing a
just, speedy and inexpensive disposition of every action and proceeding. (1997
Rules of Civil Procedure).
[17]
1987 Constitution, Article III, Section 1. - “No person shall be deprived of
life, liberty or property without due process of law, nor shall any person be denied
the equal protection of the laws.”
[18]
People v. Philip Tan, Jr., 264 SCRA 425, 448 (1996) citing People v.
Dela Cruz, 251 SCRA 77, 79.
[19]
1987 Constitution, Article III, Section 14(2). – “In all criminal prosecutions,
the accused shall be presumed innocent until the contrary is proved, x x x .”
[20]
People v. Estomaca, 256 SCRA 421.
[21] 1987 Constitution, Article III, Section 1, provides
that: “No person shall be deprived of life, liberty and property without due
process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the
laws.”
Section 14(1) also provides that: “No person shall be held
to answer for a criminal offense without due process of law.”
[22] 1987 Constitution, Article III, Section 14(2). – In
all criminal prosecutions, the accused shall x x x enjoy the right to x x x have
a speedy, impartial and public trial, x x x.
Section 16. – All persons shall have the right to a speedy
disposition of their cases before all judicial, quasi-judicial, or
administrative bodies. (emphasis supplied).
[23]
“AN ACT ENTITLED TO ENSURE A SPEEDY TRIAL OF ALL CRIMINAL CASES BEFORE THE
SANDIGANBAYAN REGIONAL TRIAL COURT, METROPOLITAN TRIAL COURT, MUNICIPAL TRIAL
COURT, AND MUNICIPAL CIRCUIT TRIAL COURT, APPROPRIATING FUNDS THEREFOR, AND FOR
OTHER PURPOSES.” Circular 38-98 was issued by the Supreme Court to implement
the provisions of R.A. 8493 as directed by Section 15 thereof.